Minor de Edad at Walang Trabaho
"Mabuti wala ka nang pasok," sabi ng Lolo ko matapos kong ibigay ang bago kong bili na Sprite mula sa vending machine ng ospital, at tumango lang ako. Agad kong naalala ang sinabi naman ng Lola ko nang tanungin ako ng isang nurse kung kaanu-ano ko 'yung pasyente. "Apo ko," sabi niya. "Kaka-graduate lang ng college kaya siya 'yung bakante ngayon," dagdag pa niya, at tuloy, na-'belated congratulations' pa'ko ng nurse na hindi ko naman kilala. Pero siyempre, nagpasalamat na rin ako.
Tingnan mo nga naman ang tadhana. Akala ko 'eh sa pag-ibig lang ako gagambalain. Hindi pala. Lalo pa't kasasabi ko lang sa isang kaibigan ko matapos ang aking grad party at nagpasalamat siya sa aking 'hospitality' na dahil nga 'hospitable' naman ako 'eh mabuti siguro kung mag-caregiver na lang ako, tutal tapos na'ko sa college at naghahanap ng trabaho. At 'yon naman ang isa sa mga pinaka-usong trabaho sa Pilipinas ngayon.
Sobrang timing lang talaga, na wala pang 24 oras ang nakalipas mula sa pag-uusap namin tungkol sa hospitality at caregivers 'eh nalaman kong na-ospital pala ang Lola ko, at dahil lahat ng iba naming kamag-anak 'eh may pasok sa eskwela o trabaho, ako ang naatasang mag-bantay sa kanya. Eksakto lang, kung kelan katatapos lang ng graduation ceremony at grad party ko, at wala talaga akong ibang pagkaaabalahan.
Naaalala ko tuloy noong isang taon na namatay naman 'yung isa ko pang Lola. Eksakto sa unang araw ng sembreak. At 'yung libing, eksakto sa huling araw ng sembreak. Kaya 'yung lamay, eksakto sa isang linggo kong sembreak. Sa madaling salita, noong panahon na 'yon, parang hindi ako nag-sembreak. At least, hindi kagaya ng mga kaklase ko na nakapanood ng sine, nakapunta sa beach, at iba pa. Ako, sa funeraria lang, dakilang utusan. Parang ngayon, pero sa ospital naman.
Ang ipinagtataka ko talaga, kung bakit ako lang ang naaabutan ng ganito. Nung grumaduate naman si Ate, 8 buwan siyang walang ginagawa, at wala namang nagkasakit o namatay sa pamilya namin noon. At nung bakasyon pa 'yung Kuya ko, ganoon din. Walang nangyayaring parang ganito, na kakailanganing may isa sa aming uutusan. Talagang 'pag ako lang.
Siguro 'yun ang dahilan kung bakit lumaki akong ganito, na iba sa mga kapatid ko. Kasi sila, walang biro (lalo na si Ate), hindi nauutusan na kagaya nito, na magbantay ng Lolo at Lola? Nako, goodluck na lang. Makakahanap sila ng paraan, ng dahilan, ng kapani-paniwalang rason, para maka-alis sa gawain. Pero hindi na nga kailangang umabot 'dun ang sitwasyon 'eh, kasi nga, tila inaayos ng tadhana, na tuwing may kailangan nga sa aming gumawa ng ganitong klaseng bagay, ako 'yung liban, ako 'yung walang palusot, ako lang 'yung mauutusan. At dahil dito, ako lang rin ang pumapayag, maski pa, kung tutuusin talaga, ako ang pinaka-walang kwenta sa'ming magkakapatid. Hindi marunong mag-drive, walang alam sa pagluluto, sa medisina, sa lahat. Mahina pang katawan. Pero 'yun nga, ako lang pa rin ang pumapayag at hindi nagrereklamo.
Okey, ang totoo, nagrereklamo talaga ako. Pero, 'di kagaya ng mga kapatid ko, ako, kahit pa mag-reklamo ako, 'eh ginagawa ko pa rin naman ang inuutos sa'kin. Medyo parang pa-martyr nga 'eh. Pero ayoko namang tawagin ang sarili kong ganoon. 'Di naman ako nagpapa-awa.
Hindi ko talaga alam kung bakit ganito ang naging arrangement ng mga pangyayari. Talagang sumakto pa sa schedule ko kasi, kahit ang maid namin na dati-rati 'eh siyang nagbabantay sa ospital, ngayong mga araw na'to 'eh kailangan niyang manatili sa bahay, kasi ngayon din naka-schedule ang pag-ayos sa kisame namin ng mga karpintero. Kaya ako talaga ang kailangan magbantay sa ospital.
Iniisip ko pa rin hanggang ngayon kung ano ang significance ng experience na'to sa 'grand scheme' ng buhay ko. Kung bakit isinama 'to ng tadhana sa schedule ko. Malamang, gaya ng ibang pangyayari sa buhay ko, maiintindihan ko lang 'to 'pag wala na'kong magagawa, 'pag tapos na ang kung anumang purpose dapat ng insidenteng ito. Siguro ganun lang talagang buhay ko. Gayun pa man, nakapagtataka pa rin kung bakit.