Ang totoo, ayaw na ayaw kong pinag-uusapan ang trabaho. Kasi, madalas, ang kasunod 'eh "Ang tanda na natin," or "Ang tanda mo na," at ayaw na ayaw kong marinig 'yun (O, mamaya meron diyang magcocomment ng 'ang tanda mo na' >:P). Isa pa, nakakasawang ikwento kung anong ginagawa ko. Nakakasawang sabihin na maski pa call center 'to, hindi kasing taas ang sweldo ng ibang call centers kaya kung pwede, 'wag kayong magpapalibre sa'kin. Ang dami namang ibang pwedeng pag-usapan 'eh, bakit 'yan na lang lagi? Kung sa bagay, minsan, ako din ang nagsisimula. Alam ko namang kapag tanungin mo ang isang tao kung nagwowork na siya, tatanungin ka rin 'eh. Pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Curious ako 'eh, erhm, tsimosa pala, tungkol sa buhay ng ibang tao. Minsan naman kasi, walang pakialam sa iba 'yung mga kausap ko kaya kahit ano pang itanong ko sila, hindi nila 'yon ibabalik sa'kin. Gusto nilang pag-usapan ang sarili nila 'eh, at hindi naman problema sa'kin 'yon.
Naisip ko nga, nung Sabado kasi, birthday ng friend ko kaya't nagkita-kita kami ng friends kong matagal-tagal ko na ring hindi nakikita. Siyempre, marami kaming pinag-usapan, at napansin ko nga, bago pa niya sabihin, na 'yung isa kong friend, 'eh magaling maka-pull-out ng information tungkol sa'ming mga nag-uusap. Marami siyang tanong na interesting, kaya hindi kami nawawalan ng pagdadaldalan. Napansin ko rin, na bagama't ang dami niyang tinatanong at sinasabi tungkol sa'min, 'eh wala siyang sinasabi tungkol sa sarili niya. Ang sabi niya naman, ganoon daw talaga 'yun. Sinasadya niyang magtanong ng marami para iba ang nagkukwento at wala siyang sasabihin tungkol sa sarili niya. Naisip ko tuloy, na medyo ganun din ako. Bagama't madaldal, madalang na ang kwento 'eh tungkol sa'kin, at madalas, tungkol sa mga kakilala ko. Tsismosa nga. Pero ganun yata talaga 'yun 'eh, kapag introvert ka at ayaw magkwento tungkol sa sarili mo, marami kang maitatanong tungkol sa ibang tao. Inaakala tuloy ng iba 'eh friendly ako, at outgoing. Pero hindi nga, curious lang ako tungkol sa buhay, sa mga pangyayari sa buhay.
Kaya ayaw kong pag-usapan ang trabaho. Dahil pare-pareho lang naman ang nangyayari sa bawat araw, at madalas, kung may choice talaga ang tao, hindi na sila magtra-trabaho. 'Yun ang gusto kong malaman. Kung anong ginagawa ng mga tao na hindi nila kailangan gawin. Kung anong pinag-iisipan nila na hindi nila kailangang isipin. Irrelevant information, maaaring tawagin. Pero 'dun ako interesado.
Maraming nangyari sa'kin ngayong weekend. Fully booked, sobrang busy, may happening, mula magising ako hanggang kinailangan kong matulog. May inattendan akong despidida, birthday, libing at reunion, all in one weekend! Kung saka-sakaling umalis akong maaga sa isang birthday party, malamang nakapag-sine pa'ko. Sayang nga 'eh. Pero actually, hindi ko gaano feel magkwento tungkol doon. Marami akong nakausap, marami akong nalaman, pero somehow, dahil feeling ko wala itong maitutulong sa ibang tao, hindi ko feel ikwento dito, or kung saan pa man.
Mabuti na lang pala, na okey ang memory skills ko, nang 'yung mga nangyayari sa'kin, kahit wala akong pinagsasabihan, o hindi ko sinusulat, natatandaan ko pa rin.